Tugon sa Takdang Aralin Blg.1 (Pebrero 13, 2012):

Ano ang impluwensya ng Ideyalismo sa kasalukuyang kalagayan ng Edukasyon ng Pilipinas?

Ang tugon na ito ay aking kasalukuyang isinusulat sa kasagsagan ng milyong pagtitipon ng Iglesia ni Cristo sa Quirino Grand Stand na naging dahilan ng pagkakaroon ko ng panahon upang magsulat (dahil hindi ako makauwi sa pagkakastranded). Sa halip na ako ay mainis (dahil sa haba ng aking nilakad at napurnadang mga lakad) ay bigla akong napaisip, saan nga ba nanggagaling ang mga taong ito na kinailangan pang lumuwas mula sa iba’t ibang panig ng kalakhang Maynila at karatig lalawigan upang makibahagi sa pagtitipong ito? Bakit nila kinakailangang gawin ang sakripisyong ito? Ito na marahil ay sumasalamin sa pagnanais ng mga Pilipino na magkaroon ng kasagutan sa kanilang mga suliranin sa buhay. Na kung saan kaya sila kukuha ng ipanggagastos sa kinabukasan, ipambabaon sa mga anak na kinakailangang pumasok sa paaralan upang maambunan ng mga butil kaalaman, na sa paghahanap-buhay ay kulang pa ang sahod upang tustusan ang mga pangunahing pangangailangan ng mag-anak sa damit, pagkain, at tahanan.

Sa aking pagbubulay-bulay ay ay aking naisip na ang mga tao sa ngayon ay naghahangad ng mga bagay na makapag-aangat sa pagkagapos sa kahirapan. Humahanap sila ng pamamarisan, mga taong may masaganang buhay, makoloreteng pamumuhay, at may lantay na kasiyahan. Ito sa tingin ko ang pangunahing impluwensya ng Ideyalismo sa kasalukuyang kalagayan ng edukasyon ng Pilipinas. Ako ay naniniwala na ang paaralan ay salamin ng lipunan na nakakubli sa mga aralin at teknikal na mga talasalitaan sa mga kasanayang pampagkatutong nais bigyang-tuon sa silid-aralan. Kaya minsan, nagiging panatiko at umiidolo ang mga tao ng mga bayani, noon man o sa kasalukuyan, upang iangkop ang kanilang sariling personalidad sa katangian ng idolo nila.

Halimbawa, si Efren Peñaflorida ng Dynamic Teen Company ay maituturing ng bayani sa makabagong panahon dahil sa kanyang pagsisigasig na maturuan ang mga batang hindi masyadong nabibiyayaan ng kaginhawaan sa buhay sa tulong ng kanyang klasrum kariton. Kung ihahalaw naman sa buhay ng ating pambansang Bayani, Jose P. Rizal, karamihan, kung hindi lahat, ng mga magulang ay nagnanais na maging manggagamot at matalinong nilalang ang kanilang mga supling sa paniniwalang ang edukasyon ang tanging daan na makapag-aahon sa kanila mula sa kahirapan.

Habang naglalakad-lakad pa ako ay naisip ko ang dati kong intern, na nagwika na: “alam niyo po Sir, Supervisor na po ako sa isang BPO company, dahil po yun sa pag-iinspire niyo po sa akin na magpahalaga sa aking ginagawa, kahit mag-xerox lamang o mag-puncher sa opisina ay dapat maging pinakamahusay ang aking magiging produkto (lahat ng pahina ay pantay-pantay)”, bigla akong napangiti, wari’y matanda na inaalala ang nakalipas. Ito nga marahil ay isa pa sa implikasyon ng teoryang ito, na ang guro ay isang modelo ng kagandahang asal, pag-uugali, at mga katangian. Kinikilala sa lipunan bilang kanilang pamamarisan. Kaya nga ba bigla kong naiisip na hindi ako maaaring lumabas ng bahay na hindi disente ang pananamit at magalang ang pananalita dahil sa marami ang mga taong tumitingin sa akin bilang isang mabuting halimbawa.

Ako ngayon ay nakaupo, sa isang restaurant habang iniisip ko ang huling punto na lalagom sa aking tugon na ito. Narinig ko ang aking katabi sa lamesa na nagturan ng: “Ubusin mo na iyang pagkain mo, maraming bata ang nagugutom.” Bigla ko tuloy naisip, mabubusog kaya ang mga batang kanyang tinutukoy kung uubusin ko ito? Siyempre, alam ko naman ang tinutukoy niya patungkol sa pagtitipid at pagpapahalaga sa pagkain. Ang pagiging mahirap pagkapanganak sa isang tao ay katanggap-tanggap pa ngunit ang mamatay ng mahirap pa rin ay maituturing ng kasalanan na talaga ng taong ito na hindi lamang nagsikap upang maiangat ang antas ng kanyang pamumuhay. Ito ang ikatlong impluwensya ng Ideyalismo, ang equity o pagkakapantay-pantay sa oportunidad. Na dapat magsumikap at hindi lamang umasa, maghanap-buhay upang kumita, mag-aral upang umangat, at mamuhunan upang may kitain balang araw.

Marahil magtataka ang sinumang makababasa nito na ang inyong lingkod ay napili ang ganitong pamamaraan sa pagtalakay ng impluwensya ng Ideyalismo. Ito na nga siguro ang aking sariling paglalarawan kung paano ako makapamumuhay sa katotohanan, na isaisip na ang karunugang may matamang pagkakaalam ng tama sa mali ay nakatanim sa patuloy na pagtuklas ng katotohanan.

About Aaron Arizala Tolentino

MY MISSION STATEMENT: A Filipino educator who utilizes one’s knowledge, commitment, experiences, skills and abilities in efficient and effective planning, instruction, and evaluation and to further hone and expand professional horizon in teacher education and related field towards societal growth, development, and transformation. BRIEF INFORMATION: A guest speaker, resource facilitator, workshop organizer, module writer, trainer, student leader, academic and co-curricular awardee, photojournalist, news editor, licensed teacher, civil service eligible, and a FILIPINO citizen.

Posted on February 13, 2012, in ED203 Course. Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: