Multiple Intelligences

Mababang Paaralan ng Barrio Obrero
Tundo, Maynila

PAGTATAPOS ‘11
Ika-7 ng Abril, 2011, ganap na 6:30 ng umaga

TEMA: “Ang Magsisipagtapos: Kaagapay tungo sa pagbabagong anyo ng lipunan, tugon sa hamon ng sambayanan”

Talumpati ni: Aaron A. Tolentino
Executive Assistant III
Tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas
Pambansang Komisyon ng Kabataan

Panimulang Pagbati
Sa pinakamamahal nating punung-guro, Dr. Estrella L. Agbayani, sa ating masisipag na mga guro, lalo na sa aking mga naging guro, sa mga kawani ng paaralan, mga magulang, mga panauhin, mga kaibigan, at higit sa lahat, sa mga magsisipagtapos, isang mapagapalang umaga sa ating lahat!

Pasasalamat at Pagbibigay pugay sa Alma Mater
Una po sa lahat, nais ko pong magpasalamat sa pag-anyaya po ninyo sa akin upang maging panauhing tagapagsalita ngayong umaga para sa natatanging araw na ito lalo na sa mga magulang at magsisipagtapos. Ito po ay isang karangalan na mabigyan ng pagkakataong makapagbigay pugay sa institusyong unang nagpunla ng butil ng kaalaman sa akin. Mahigit sampung taon na ang lumipas, ako ay nakaupo rin, katulad ninyo, nag-aantay na tawagin ang aking pangalan at makuha ang aking pinagpagurang diploma at pagkatapos ay ihandog sa aking mga magulang. Ngunit linggid sa inyong kaalaman, ako ay hindi nagtapos bilang tampok (valedictorian) o ulirang (salutatorian) mag-aaral, o kahit ano mang karangalang banggit. Marahil, sadyang marami lang mas matalino sa akin sa klase o sa biglang tingin, ako ay isang pangkaraniwang mag-aaral nga lamang.

Multiple Intelligences
Pagdating ko sa mataas na paaralan, ako ay nagbabalik tanaw sa aking mga araw sa mababang paaralan at pinipilit kong isipin kung may talino nga ba talaga akong taglay. Ni pagkanta sa klase ni Bb. Andrei Bondoc o Dr. Noemi Q. Mactal, ako ay sintunado. Parehong kaliwa ang aking paa kapag sumayaw sa klase ni Gng. Alarcon. Tingting lamang ang kaya kong iguhit sa silid ng sining ni Sir Agustin. Bigla ko na lang nasabi sa sarili, meron nga kaya akong talento o baka wala naman talaga? Sa paglalim ng aking pagninilay-nilay ay naalala ko ang iba’t ibang mga gawain na inatas sa akin ni Bb. Corazon T. Basig at ni Bb. Estrelita Mangulabnan nung ako ay nasa ikatlo at ikaapat na baitang na mangasiwa sa pagtitinda sa tray kapag recess na; patahimikin ang aking mga kaklase at ilista ang mga maiingay kay Gng. Corazon Oliveros ng ikalawang baitang at Gng. Angelita F. Timbol ng unang baitang; o bumalik sa hapon upang mag-obserba at panandaliang magturo sa mga nasa ikalimang baitang pagkatapos ng klase ko sa umaga noong ako ay nasa ikaanim na baitang, sa klase ni Gng. Magdalena Rimpos ng Filipino. Syempre, sinong makakalimot sa balitang Obrero, habang ako ay nagsusulat ng mga balita at lathalain, habang nagsusuot pa ako ng Barong Tagalog dahil napiling lumahok sa patimpalak ang ating Resource Bureau (Silid-akalatan ng Filipino) sa pangangasiwa ni Gng. Violeta C. Delfin. Higit sa lahat, sa pagkalinga at paghubog ng aking kakayanan sa pamumuno, sa mapagpalang kamay ni Gng. Luzviminda Bondoc, na nagtiwala sa akin, at gumawa ng paraan upang ako ay maparangalan bilang Special Police Chief Commanding Officer, ito ang aking kauna-unahang medalyang natamo. Unti-unti kong napag-isip isip na ang mga ganitong gawain pala ang simula ng paglinang ng aking mga natatanging kasanayan sa larangan ng pamumuno, pagsasalita, at pakikipag-ugnayan sa mga tao. Na ako ay mahusay din pala sa pagpaplano at pagsusulat. Kaya naman, ito ang aking naging lunsaran upang magpakadalubhasa sa pagiging guro sa agham panlipunan, sa pagmulat sa akin nina Bb. Ludina Bonito at Gng. Luzviminda Aguilar, at sa pagsusulat at pamamahayag sa Kolehiyo, bunga ng paglinang ni Gng. Fe Acosta.

Sa kabila ng mga nabanggit na mga karangalan at pagkilalang aking natamo sa larangan ng pamununo at pang-akademiko habang ako ay ipinapakilala kanina, hindi pa ito sapat upang ako ay humintong hubugin at pagyabungin pa ang mga kasanayang ipinagkaloob sa akin ng Poong Maykapal.

Hamon sa mga Magsisipagtapos
Sa puntong ito, ano ba ang aking nais bigyang diin para sa inyong lahat? Sa mga magsisipagtapos, huwag kayong panghinaan ng loob na marami kayong mabababang marka, marahil sa Matematika at Ingles, o puro palakol at minsan pa ay kulay pula na halos ang nakasulat sa Form-138 (Report Card) dahil sa baba ng marka. Ituring ninyo itong hamon, hamon na hindi piliting maging magaling lamang sa mga pangunahing asignatura, bagkus ay tuklasin ang inyong natatanging talino at talento. Wala namang ipinanganak na bobo o walang alam. Noon, itinakda ng lipunan na ang mga babae ay dapat matalino sa Ingles, at ang mga lalaki naman sa Matematika. At kapag ikaw ay hindi marunong sa mga asignaturang ito ay huwag ka na lang mag-aral at magluto na lamang sa bahay, manahi, at magsaka sa bukid. Ngunit hindi na ngayon. Ayon kay Howard Gardner, meron na tayong multiple intelligences. Maaaring ikaw ay magaling sa matematika, ingles, musika, pagsasayaw, pagguhit, pag-arte, o kung sa ano pa mang larangan. Ito ay inyong alamin, linangin, at patuloy na paghusayin, at gawing bokasyon at kurso pagdating sa Kolehiyo.

Sa mga biniyayaan naman ng natatanging kakayahan, lalo na sa mga magsisipagtapos ng may karangalan at nasa accelerated class, ipagpatuloy pa ninyo ang pag-aaral ng masigasig at itaguyod ang kalidad ng ating paaralan. Maging tampok na mag-aaral sa hinaharap at maging matagumpay sa mga paligsahan. Ngunit, huwag din namang puro aral na lang ang inaatupag at wala ng panahong mag-ehersisyo, maglibang, at mamasyal kasama ang pamilya at mga kaibigan. Gawin nating balanse ang ating buhay. Maging katuwang kayo ng ating lipunan sa pagbabalangkas ng mga gawaing mag-aahon sa atin sa kahirapan.

Mga magsisipagtapos, tumayo kayong lahat. Hanapin ninyo ang inyong mga magulang, kawayan ninyo, at bigyan ng flying kiss. Alalahanin ninyo ang kanilang mga pagpapagal upang bigyang halaga ang inyong pag-aaral. Makakaupo na kayo.

Hamon sa mga Magulang
Inaanyayahan kong tumayo lahat ng mga magulang. Mga magsisipagtapos, bigyan natin ng masigabong palakpakan ang ating mga mahal na magulang. Anim na taong gumigising ng alas-kwatro ng madaling araw, ipinaghahanda ng almusal, inihahatid sa paaralan, ipinagbabalot ng mga cuaderno at aklat, at kung minsan ay iginagawa pa kayo ng proyekto. Kadalasan ay hindi nila inaamin na wala na silang pera at linggid sa inyong kaalaman ay nangungutang na lamang upang mabigyan kayo ng baon sa araw-araw. Maari na po kayong maupo. Mga nanay at tatay, may mga susunod pang taon, manatili kayong matiyaga, mapag-aruga, mapagmahal at laging handang sumuporta sa inyong mga anak. Alam po ninyo, kailangan din nating ituro sa mga bata ang tinatawag nating life skills. Turuan din natin silang magsaing, magluto, maghugas ng pinggan, maglinis, magbunot, at maglampaso sa bahay. Ito ang mas higit nilang kailangan bukod sa mga aralin sa loob ng paaralan. Ihanda natin silang matutong mamuhay ng mapanagutan at responsable sa hinaharap dahil hindi sa habang panahon ay nandiyan tayo sa kanilang mga tabi upang tulungan sila sa lahat ng oras. Sabi nga ng aking ina, ang tunay na katalinuhan ay nasusukat kapag nakapagtapos ka na ng pag-aaral, kung paano ka magdedesisyon sa tunay na pagsubok ng buhay. At ang tunay na sukatan ng pagmamagulang ay makikita sa produkto ninyo, sa personalidad at kakayahan ng inyong mga anak.

Hamon sa mga Guro
Sa mga kapwa ko guro, itayo natin ang bandera ng ating propesyon at bokasyon bilang mga pangalawang magulang ng ating mag-aaral. Walang taong nabubuhay sa ngayon ang hindi matagumpay kung walang gurong nagturo sa kanila. Walang abogado kung walang guro, walang duktor o nars kung walang guro. Hubugin natin sila hindi lamang maging matalino kundi mayroong mabuting asal at pag-uugali. Bigyan natin sila ng maraming pamamaraan upang matuto kung paano matuto. Linangin natin ang kanilang angking kakayahan. Sinong mag-aakala na sa isang panahon ay bumubuo na tayo ng Joseph the Artist sa Talentadong Pinoy sa larangan ng pagguhit, ni Manny Pacquiao sa boxing, Lisa Macuja sa pagsayaw ng ballet, Charice Pempengco sa pag-awit, Efren Peñaflorida bilang isang guro at ang kanyang classroom kariton, o ni Sen. Meriam Defensor-Santiago sa galing sa pakikipagtalastasan. Gawin natin silang inspirasyon na maaaring balang araw, alumni na rin ng Barrio Obrero ang laman ng telebisyon at pahayagan.

Edukasyon ang Solusyon
Alam ko, mga guro, mahirap talaga ang ating piniling bokasyon, masyadong mapanghamon. Sa katunayan, ito ang unang-unang isyu sa bansa, ang kalagayan ng kalidad ng edukasyon. Ayon sa datos ng Kagwaran ng Edukasyon, sa 100 na mga bata, 90 ang mag-eenrol sa Grade 1, 43 ang magtatapos sa haiskul, 23 ang mag-eenrol sa Kolehiyo, 14 dito ang makakapagtapos, 4 agad sa 14 ang magtatrabaho at yung 10 ay kukuha ng board exam, ngunit 4 lamang ang papasa. Ngunit huwag panghinaan ng loob, maging insipirasyon natin ang apat na pumapasa batay sa datos na ito, gawin nating insipirasyon na mas maging masigasig sa pagtuturo. Ganun din naman sa mga magsisipagtapos, gawin nating solusyon ang edukasyon upang makawala sa bitag ng kahirapan. Sabi nga, hindi mo kasalanan na ikaw ay ipinanganak na mahirap, ngunit ikaw na ang problema kung ikaw ay mamamatay ng mahirap dahil wala ka ng ginawang paraan upang makaahon dito.

Pagkakaisa at Pagtutulungan patungo sa isang layon
Mga magsisipagtapos, mga magulang, mga guro, at lahat kayong nasa lugar na ito, alam kong sawang sawa na tayo sa mga suliraning kinakaharap ng ating bansa at ng buong mundo mula sa pagkasira ng kalikasan, Tsunami sa Japan, lindol sa Myanmar, pulitikal na kaguluhan sa Libya. Maging ang hamon sa ating kasalukuyang administrasyong Aquino sa aspeto ng kahirapan, kakulangan ng trabaho, katiwalian, at iba pang suliranin. Magsimula sa atin ang solusyon. Mula dito, tayo ay may mahalagang gampanin para sa ikauunlad ng ating bayan. Tayo ay bahagi ng mas malaking lipunan, katulad ng isang katawan. Maaaring tayo ay mata, tainga, bibig, o paa, na may sarili sariling kakayahan at bahaging ginagampanan. Gamitin natin ang mga kakayahan at katalinuhang ito upang paunlarin ang ating bansa. Tayo ay magtulung-tulungan at maging mapanagutang mamamayan. Lalong higit sa mga magsisipagtapos, ayon nga kay Gat Jose Rizal, na tayo ang pag-asa ng ating bayan, huwag natin siyang bibiguin.

Pangwakas na Hamon
Bilang pangwakas, magsimula muna sa ating mga sarili ang pagbabagong nais nating makita sa bansang Pilipinas at buong mundo. Ang paglinang sa ating mga sarili ang susi upang matugunan ang mga suliranin, hamon, at salot ng lipunan patungo sa pagbabagong anyo nito at pag-unlad ng bayan.

Huwag nating kalimutan ang ating Alma Mater. Sabi nga sa ating Obrero March, buong puso nating lingapin ang ngalan ng ating paaralang pinagbubunyi, maging tanglaw at sandigan ng kabataan. Kaya naman, palagi nating isapuso at taas-noong ipagmalaki na mahusay ang laking Obrero, magaling ang batang Manileño, Mabuhay ang Kabataang Pilipino!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: